Lolang umano'y tulak ng droga, timbog sa Iligan

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2016 02:20 PM

ILIGAN CITY – Nahuli sa siyudad na ito ang mahigit 60 anyos na si Aida Cosingan na umano'y isang tulak ng ilegal na droga.

Nahuli si Cosingan ng mga pulis sa isang raid sa Barangay Tambacan sa Iligan City, Huwebes ng hapon.

Sa bahay umano nito umano nire-repack ang shabu. Dito na rin gumagamit ng droga ang kanyang mga parokyano.

Nasamsam kay Cosingan ang limang gramo ng hinihinalang shabu, mga paraphernalia, gaming machines at pera na umano'y kita sa kaniyang pagtutulak.

Nahuli rin ang limang lalaki, kabilang ang isang bata.

Ani Cosingan, nagtutulak siya ng droga para may maipang-tustos sa pag-aaral ng mga apo.

Aniya, wala siyang asawa na katuwang kaya napilitan siyang magtulak ng droga.

Ayon sa pulisya, matagal na nilang minamanmanan si Cosingan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.