Drug pusher na sumuko, pinagbabaril

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2016 10:59 AM

MANILA - Patay ang isa umanong tulak ng droga sa Caloocan City kaninang madaling araw. Pero hinagpis ng pamilya, trinaydor umano sila ng mga pulis matapos itong sumuko.

Walang makapagpatahan sa mag-iinang Mata nang makita sa crime scene ang kanilang padre de pamilya na kinilalang si Marvin Mata.

Namatay si Marvin matapos umanong tambangan ng hindi pa nakikilalang mga gunmen sa Barangay 177, Camarin, Caloocan City kaninang madaling araw.

Pero ang kapulisan ang itinuturong may sala ng pamilya. Kwento kasi ng pamilya, sinamahan nila ang padre de pamilya para sumuko na. Pero sa halip na iproseso ang kanyang pagsuko, pinababalik na lamang ito sa opisina.

Kinumpirma naman ng kapulisan na nagpunta nga ang pamilya Mata sa kanilang tanggapan. Pinabulaanan din ng kapulisan na sila ang may gawa ng pagpaslang.

Nakuha sa napatay ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu at mga pera. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulis kung sino ang pumatay kay Mata.