Biktima ng summary execution, natagpuan sa Pasig

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2016 12:01 PM

MANILA - Natagpuan ang isang lalaking pinaghihinalaang biktima ng summary execution sa Pasig City Biyernes.

Nakabalot pa ng packaging tape ang mukha at nakagapos sa likod ang mga kamay ng lalaking nakasuot ng tshirt at brown na short. Natagpuan ang kanyang bangkay ala-una kinse ng madaling araw ngayong Biyernes.

Ayon sa nakakitang tanod na si Deirik Abustan, nagpapatrolya sila sa Luis Street, Barangay San Miguel nang makita nila ang lalaki.

Una'y inakala lang nilang lasing ito at nakatulog sa gilid ng kalsada ngunit nang lapitan nila ito ay doon na nila nakita na nakabalot ng masking tape ang mukha nito.

Naka-recover ng walong bala ng baril at isang note na may nakasulat na: ''Huwag akong tularan. Ako'y isang pusher at holdaper."

Nagsagawa ng imbestigasyon ang SOCO sa lugar.