5 sugatan sa banggaan sa Antipolo City

Fred Cipres, DZMM

Posted at Jul 16 2016 07:58 AM

MANILA - Umakyat na sa lima ang sugatan sa nangyaring banggaan sa Circumferential Road sa Barangay San Jose, Antipolo City, Sabado ng madaling araw.

Kritical ang kalagayan ni Ruben Posada na naabutan ng rescue team na nakahandusay sa kalsada. Inoobserbahan pa sa ospital ang biktima.

Samantala, naialis na mula sa pagkakaipit sa loob ng Mitsubishi Montero Sport na may plakang UUI 797 ang driver nito na kinilala sa pangalang Jaime Lontoc. Dinala na rin siya sa pagamutan.

Ang iba pang nasugatan na sakay naman ng owner-type jeep ay kinilalang sina Ejay Tanierla, Brento Natividad at ang ang driver nito na si Jeffrey Lapinig. Pawang may malay naman ang mga biktima dahil nagtamo lamang sila ng minor injuries sa katawan.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nakahinto ang owner-type jeep sa gilid ng kalsada para isakay ang mga panindang cheesesticks nang bigla na lang bumangga ang SUV. Pumaikot-ikot muna ang naturang SUV hanggang sa tumigil ng naka-patagilid.

Halos yumakap naman ang bumper na bahagi ng owner-type jeep sa poste sa lakas ng pagkakabangga.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng Antipolo police sa naturang aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.