34 asong gagawing 'azucena' nailigtas sa Batangas

Val Balita, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2016 11:26 AM

BATANGAS - Naisalba ng mga otoridad ang mahigit tatlumpung aso na sana'y kakatayin para gawing karne.

Siksikan sa dalawang kulungan ang 34 na aso nang datnan ng mga kinauukulan sa Barangay Coliat, Ibaan, Batangas. Ang ilan, sugatan at nanghihina na.

Nagkasa ng operasyon ang kapulisan matapos makatanggap ng impormasyon na may grupong magkakatay ng aso sa lugar. Hindi na inabutan ng mga pulis ang mga suspek.

Narekober ang dalawang blow torch, isang martilyo, isang kutsilyo at timbangan. Ayon sa kapulisan, posibleng kakatayin ang mga aso sa lugar at ibibiyahe ang karne nito para maibenta sa norte.

Sabi naman ng complainant na si Melchor Alipio, empleyado ng Network for Animals at miyembro rin ng Philippine Society for the Prevention of Cruelty to Animals (PSPCA), matagal na nilang minamanmanan ang suspek na si Benildo Alegria, na posibleng nakatunog kaya nakatakas.

Napag-alaman namang dati nang kinasuhan si Alegria dahil pa rin sa pagkakatay ng aso.

Sasailalim ang mga nailigtas na aso sa kustodiya ng PSPCA sa Maynila para malapatan ng karampatang lunas at para maalagaan din nang maayos.

Tinutugis naman ng pulisya si Alegria na kakaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8485 o ang Animal Welfare Act.