PatrolPH

'Tausug Heroes' bumisita sa nagpapagaling na sundalo ng C-130 plane crash sa Sulu

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2021 05:16 PM | Updated as of Jul 14 2021 07:59 PM

'Tausug Heroes' bumisita sa nagpapagaling na sundalo ng C-130 plane crash sa Sulu 1
Contributed photo

ZAMBOANGA CITY — Nasorpresa ang mga sundalo sa loob ng Camp Navarro General Hospital sa pagbisita ng mga tinaguriang "Tausug Heroes" ngayong Miyerkoles ng umaga. 

Sina Erham Awaluddin, isang construction worker at 3 miyembro ng CAFGU Active Auxiliary (CAA) na sina Benhar Awaluddin, Madzkur Sahibbon at Shariff Abridge Abdua ang ilan sa mga residente ng Patikul na tumulong sa mga sundalo na nasugatan dahil sa pagbagsak ng C-130 noong Hulyo 4.

Personal na nakapagsalamat ang mga sundalo sa nagawang pagtulong ng mga ito sa kanila. 

"Magaan ang kalooban ko na nakita ko siya, 'yung tumulong sa akin," ani PFC Ganney Ligayan nang makita niya si Erham Awaluddin.
 
Una nang nag-viral ang larawan ng dalawa matapos tulungan ni Awaluddin at iba pang kasamahan nito si Ligayan na noo'y sugatan ang mukha. 

Watch more on iWantTFC

Ang pinsan ni Erham Awaluddin na si Benhar Awaluddin na isang CAA ang magkasamang umalalay kay Ligayan. 

"'Yun lang ang wish namin na sana gumaling na kaagad sila," ani Benhar Awaluddin. 

Ayon kay 11th Infantry Division Commander Major General William Gonzales, ang pagbisita ng apat ay bahagi ng healing process para sa mga sundalo. 

Bukod sa kwentuhan, nagpalitan rin ng contact number ang mga sundalo at ang mga Tausug heroes.

Nakatanggap rin ng regalo at cash assistance ang mga sundalo mula sa militar.

Nasa 52 ang namatay, kabilang ang 49 na sundalo, sa pagbagsak ng C-130 transport plane sa Sulu noong Hulyo 4, ang itinuturing na pinakamalalang aksidente ng isang military aircraft sa kasaysayan ng bansa. 

— Ulat ni Leizel Lacastesantos, ABS-CBN News

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.