MAYNILA - Umarangkada na rin sa Bonifacio Global City sa Taguig ang tinaguriang Bakuna Nights o bakunahan sa gabi para sa mga residente ng Taguig at mga manggagawang pasok sa A4 category na hindi nakapaglalaan ng oras na magpabakuna sa araw dahil sa kanilang mga trabaho at iba pang obligasyon.
Ito ay pinalawig na oras ng pagbabakuna ng lokal na pamahalaan ng Taguig City na magsisimula alas-6 ng hapon hanggang alas-12 ng hatinggabi mula Lunes hanggang Sabado.
Ayon sa Taguig LGU, layon nito na ma-accommodate ang mas maraming manggagawa sa Taguig sa kanilang nagpapatuloy na vaccination rollout.
"Marami sa kababayan natin may trabaho (8am-5pm) kahit nag-aapela kami sa mga managers, mga owners na ‘pag babakunahan yung mga empleyado ‘nyo payagan ‘nyong mag-leave, payagan ‘nyong mag-off. Pero sa mga pagkakataon na hindi makaalis, yung iba self-employed, entrepreneur, sarili nilang business na hindi nila maiwan. After office hours, puwede na silang magpa-schedule…So 6pm until 12 midnight bukas po ang vaccination site natin," paliwanag ni Mayor Lino Cayetano.
Nilinaw ni Cayetano na hindi pa pinapayagan sa ngayon ang walk-in na mga magpapabakuna at lahat ay kinakailangang magparehistro sa trace.taguig.gov.ph
Sinabi rin ni Cayetano na maaaring mamili ng araw at oras ng pagbabakuna ang mga residente ng Taguig habang ang mga hindi naman residente ng lungsod subalit dito nagtatrabaho ay booking system ang ginagawa kung saan ang kanilang mga employer o manager ang mag-aasikaso ng registration para sabay-sabay ang gagawing schedule ng pagbabakuna.
Ayon kay Dr. Jennifer Lou De Guzman, National Immunization Program Coordinator ng Taguig City target nilang makapagturok ng bakuna sa Bakuna Nights nang mula 400 hanggang 600 na pasyente kada gabi.
"Naniniwala po kami na ang manggagawa natin ay hindi lang nasa night-shift of day-shift, naniniwala po kami na kailangan po naming mag-adjust din doon sa mga oras nang kanilang hanapbuhay para magkaroon sila ng panahon at oras na makapagbakuna," aniya.
Tuloy-tuloy din naman ayon kay De Guzman ang kanilang regular na vaccination rollout simula alas-8 ng umaga araw-araw.
Ayon pa kay De Guzman, umaabot sa 1,000 hanggang 1,300 ang nababakunahan nila kada araw. Sa ngayon tinatayang nasa 10 hanggang 20 porsyento na ang naturukan ng kanilang 1st at 2nd dose ng bakuna kontra COVID-19.
Ikinatuwa naman ng mga manggagawang napasama sa unang batch ng mga naturukan sa Bakuna Nights ang pagkakataon na makapagpaturok na sila lalo’t hindi nila ito naasikaso sa araw dahil na rin sa kanilang mga trabaho.
Kabilang sa kanila ang 54-anyos na bouncer na si Jessie Sodario.
"Salamat at maayos naman, matutulungan na natin ang iba at maiiwasan na natin 'yung COVID," aniya.
Kasama din sa mga nabakunahan sa Bakuna Night ang finance manager na si Maica Peregrin. Ayon kay Pregrin, matagal na niyang sinusubukang makapagpabakuna subalit ngayon lang natuloy.
“Actually noon pa marami na akong (sinubukan na magparehistro para sa bakuna)…lahat ng LGUs na covered ng office namin ng house namin nag-registered na ako so dito lang ako sa office namin natawagan. Mas okay sa akin ( ang Bakuna Nights ) kasi marami nang nare-recieved yung mga tao ( na bakuna ) makukuha na natin yung herd immunity na ina-achieve ng Philippines," aniya.
Kuwento pa ni Perigrin, may order ding bakuna ang kanilang kumpanya subalit hindi pa nga lang dumadating ang supply kaya hinikayat na rin sila ng kanilang mga employer na samantalahin na ang alok na bakuna ng mga LGUs.
Hindi na rin aniya isyu sa kanya kung anong brand man ng bakuna ang itinurok sa kanya dahil ang importante ay bakunado na siya ng first dose at umaasang makukumpleto ang second dose dito para sa kanyang proteksyon.
Isinasagawa ang Bakuna Nights sa BGC High Street Mega Vaccination Hub kung saan prayoridad ang mga manggagawang pasok sa A4 category kabilang na dito ang mga nasa entertainment industry, restobar owners at lahat ng economic frontliners sa lungsod ng Taguig.
Bahagi ng programa ang entertainment kung saan may mga performers kada gabi ng Bakunahan para aliwin ang mga nasa pila ng pagbabakuna.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Bonifacio Global City, Taguig City, Bakuna Nights, night vaccination, COVID-19, coronavirus, COVID-19 vaccination program, Tagalog news