PatrolPH

Pilipinas pinag-iingat sa biglang sipa ng COVID-19 cases matapos ang 'plateau'

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2021 07:16 PM

Watch more on iWantTFC

Naitala noong Martes ang pinakamataas na bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa Indonesia, na umabot sa higit 47,000. Sinasabing pumalo ang kaso ng COVID-19 cases doon dahil sa mas nakahahawang Delta variant.

Bago ito, ilang buwan din itong nag-plateau o nanatili sa parehong antas ang kaso sa Indonesia.

"Hindi na nila ito naipababa further. So nag-plateau sila around this level, na 5,000 plus for nearly 3 months," paliwanag ni Edson Guido, head ng ABS-CBN Data Analytics.

"Nagkaroon nga ng holiday sa Indonesia, nag-coincide nga sa end of Ramadan, so this is around mid-May. Nagkaroon ng movement and travel ang mga tao. By June, nag-start na 'yong increase ng cases," ani Guido.

Ang naranasang pag-plateau ng indonesia noong unang bahagi ng taon, sinasabing nararanasan na rin ng Pilipinas.

Base sa 7-day average cases, makikitang magkamukha ang trend ng Pilipinas at Indonesia.

Kaya dapat maging mas maingat sa ganitong sitwasyon, lalo’t mas mataas pa rin ang mga kaso ngayon kompara noong panahon bago ang surge.

"Hindi talaga magandang nagpa-plateau ang bansa at such a high level. Kasi 5,000 cases is still 5,000. Mataas pa rin siya," ani Guido.

"Kapag sa 5,000 ka tinamaan ng surge which is now made even worse by the presence ng mas nakakahawang Delta variant... hindi talaga magiging maganda ang magiging resulta nito," aniya.

Kung may maganda mang balita, ito ang mas magandang posisyon ng Pilipinas kompara sa Indonesia, Malaysia at Thailand pagdating sa trend ng mga kaso.

Pero ayon kay OCTA Research fellow Fr. Nic Austriaco, hindi pa panahon para luwagan ang quarantine status, lalo na sa Metro Manila na kasalukuyang nag-plateau na rin ang trend.

"All of these have to be better in order to prepare for a possible Delta arrival," ani Austriaco.

— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.