PatrolPH

Labi ng 1 sundalong namatay sa C-130 plane crash mula Misamis Oriental, naiuwi na

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2021 05:12 PM

Labi ng 1 sundalong namatay sa C-130 plane crash mula Misamis Oriental, naiuwi na 1
Contributed photo

Naiuwi na ng pamilya ang mga labi ni PFC Carlo Dapanas Jr., isa sa mga nasawi sa pagbagsak ng C-130 plane sa Sulu, sa bahay nila sa Barangay Tu-od sa bayan ng Manticao, Misamis Oriental. 

Ibinurol si Dapanas sa simbahan ng pamilya at limang araw lang itong paglalamayan at agad ding ililibing bilang pagsunod sa protocol ng pamahalaang probinsyal. 

Masakit para sa pamilya na hindi nila masilayan sa huling pagkakataon si Dapanas. Isa ito sa lubhang nasunog ang katawan sa insidente noong Hulyo 4, kung saan 52 ang namatay. 

Anila, hindi kasi nakalabas si Dapanas sa sumabog na eroplano.

Ayon sa kapatid niyang si Patrolman Melgazar Dapanas, nakilala lang ang kapatid matapos i-match ang DNA ng nasunog na bangkay at DNA nila ng kanilang mga magulang.

Masakit sa ina ni Dapanas na si Susan na nangyari sa anak ang kinatatakutan niya. 

Aniya, pinigilan kasi niya ito noon sa pagsusundalo dahil sa karanasan niya sa sariling magulang na laging natatakot para sa kaligtasan ng kapatid niyang pulis.

Nangamba rin si Melgazar na mangyari sa kanya ang sinapit ng kapatid pero aniya, kaakibat na ito ng kanilang pagiging alagad.

“Gusto kong umuwi pa rin na buhay sa pamilya ko pero nanumpa kasi kami sa gobyerno na kahit isa lang ang buhay namin, kahit anong mangyari, handa tayong magsakripisyo kasi trabaho namin na depensahan ang mga tao,” aniya. 

Kabilang si Melgazar sa Police Regional Mobile Group 10. 

Sa kabila ng pagluluksa, pinag-iisipan rin ng misis ni Dapanas Jr. na si Emabelle kung ano ang ihahanda sa kanilang unang wedding anniversary sa susunod na buwan. 

Aniya, balak sana kasing umuwi ni Dapanas sa araw na iyon upang makasama ang misis. 

Ayon sa misis, itutuloy niya ang plano ng mister kahit wala na ito. 

“Ako na lang ang aasikaso nito kahit wala na siya para matuwa naman ang kaluluwa niya. Ihahanda ko ang adobong baboy, hipon at marami pang paborito niya,” aniya. 

Sa kabila rin ng nangyaring trahedya sa mister, wala siyang balak pigilan ang naiwang anak nito sa kanya sakaling gusto nitong magsundalo paglaki. 

Aniya, ito kasi ang pangarap ni Dapanas para sa anak. 

— Ulat ni Roxanne Arevalo

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.