PatrolPH

Ilang parke sa Metro Manila dinagsa kasunod ng pagluwag ng age restrictions

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2021 08:18 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Matapos ang isang taon mahigit na hindi paglabas ng bahay dahil sa quarantine ay nakapasyal na ang batang si Tisoy Puzon. 

Sa Fort Santiago sa Intramuros namasyal si Puzon kasama ang kaniyang pamilya. 

"Palagi kasi ako sa bahay," ani Puzon. 

Ayon naman sa ama niyang si Louie: "Talagang tuwang tuwa, dalawa ko anak nagpi-picture, 'yun mga teenager ito, talagang first time, nakakaawa, ngayon tuwang tuwa nagiging inosente na nga sa labas." 

Sa Intramuros dinala ng maraming magulang ang kanilang mga batang anak matapos payagan ng pandemic task force ang mga batang edad 5 anyos na mamasyal sa ilalim ng general community quarantine areas sa outdoor areas gaya ng mga parke, playground, outdoor tourist site, non-contact sports courts at mga kainan na al fresco. 

Bago magpandemya, nasa 14,000 katao ang pumupunta sa Intramuros kada araw. 

Pero ngayon, nasa 500 hanggang 1,000 na lang ito, na malaking bagay pa rin para sa mga naghahanapbuhay sa tourism sector. 

Nagpuntahan din sa Quezon Memorial Circle ang mga bata kasama ang mga magulang. 

Pero requirement dito na may kasama silang magulang na fully-vaccinated. 

Bukas na rin ang iba pang mga outdoor na pasyalan gaya ng Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center, Urban Farming Area ng City Hall, Amoranto Stadium at 15 pang parke ng lungsod. 

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority, magpapasa ang mga alkalde ng resolusyon para matukoy ang mga parkeng puwedeng pasyalan. 

Nilinaw naman ng Department of Tourism na ang mga bata edad 18 pababa na bibiyahe sa ibang lugar ay kailangan ng swab test. 

Aapela naman ang DOT sa gobyerno na babaan ang presyo nito. 

— Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.