MAYNILA - May mga tinitingnang posibilidad ang pulisya sa kaso ng Filipino-Chinese na negosyanteng tumanggi umanong magbayad sa isang motel sa Quezon City, at umiwas sa pag-aresto ng awtoridad kaya hinabol ng mga pulis.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), tatlong anggulo ang iniimbestigahan nila sa kaso ni Arvin Tan: ang pagkalango sa droga, alak at problema sa pag-iisip.
"Base sa experience ko, talagang naka-droga, matagal na niyang ginagawa 'yan, posible yan 'yung antidote sa illness niya. Meron kaming previous cases na ganiyan," ani QCPD Station 10 Lt. Col. Alex Alberto III.
Nilinaw din ng QCPD na wala silang special treatment sa suspect, na inilipat umano sa pribadong kuwarto sa Quirino Memorial Medical Center base sa diskresyon ng ospital. Noong una pa raw ay humihiling ang pamilya na sa pribadong ospital ilipat ang lalaki na tinanggihan ng QCPD.
Irerekomenda rin ang pag-revoke ng lisensiya nito.
Una nang nahuli ang suspek na nag-amok sa tanggapan ng Manila Police District headquarters noong 2017, kung saan binangga pa niya ang ilang police mobile at halos masagasaan ang ilang pulis at maging miyembro ng media.
Nakalaya siya matapos magpiyansa, pero patuloy ang pagdinig sa patong-patong na reklamong isinampa sa kanya na malicious mischief, direct assault, resistance and disobedience to persons in authority, grave threat, alarm and scandal, unjust vexation at reckless imprudence resulting in damage to property.
Ayon kay MPD Director Police Brig. Gen. Leo Francisco, nakikipag-ugnayan na sila sa QCPD lalo’t may nakuhang sachet ng shabu sa suspek noong Martes.
— May mga ulat nina Zyann Ambrosio at Jerome Lantin, ABS-CBN News
KAUGNAY NA VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, QC-Manila car chase, crime, krimen, estafa, QCPD, Quezon City Police District, Arvin Tan, QC motel, Quezon City motel,TV Patrol, Zyann Ambrosio