PatrolPH

Bayan ng Kananga sa Leyte, tinamaan ng African swine fever

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2021 10:05 AM

Bayan ng Kananga sa Leyte, tinamaan ng African swine fever 1
Ilang native na baboy sa San Jose Del Monte, Bulacan noong May 11, 2021, Mark Demayo, ABS-CBN News

KANANGA - Nagpositibo sa African swine fever ang ilang baboy sa bayan na ito sa Leyte, dahilan para magdeklara ng 2-week pork holiday ang lokal na pamahalaan nitong Miyerkoles.

Batay ito sa resulta ng testing results nitong Martes na isinagawa sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory sa Tacloban City, ayon sa mga awtoridad. 

Dahil din dito, nagpalabas na ng executive order si Kananga Mayor Vicente Torres na ipinag-uutos ang pagpatay sa mga baboy na pasok sa 500 meter radius mula sa Sitio Sagkahan Barangay Poblacion, kung saan naroroon ang mga apektadong baboy. 

Idineklara rin ang pork holiday, kung saan ipinagbabawal muna ang pagbenta ng baboy sa bayan mula July 14 hanggang July 28, 2021. 

Ito'y upang hindi na kumalat pa ang ASF sa mga baboy doon. 

Sa ilalim ng pork holiday, bawal pansamantala ang pagkatay o pagbenta ng mga baboy sa meat stalls ng lungsod. 

Bawal din ang pagbebenta o distribusyon ng frozen, raw, at lutong pork chorizo at longganisa. 

Maaari lamang makapagbenta at makapag-distribute ng mga frozen pork products kung makakapagprisenta sila ng mga dokumento tulad ng COMI at MIC na nagpapatunay na sa labas ng bayan galing ang mga ito. 

Bawal din ang inter-barangay na movement ng mga baboy. 

- Ulat ni Jenette Fariola-Ruedas

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.