DAVAO CITY (UPDATE) — Patay ang isang babaeng abogado at ang kaniyang asawa matapos sila pagbabarilin ng di kilalang mga armadong salarin sa lungsod ng Davao, Miyerkoles ng hapon.
Nangyari ang pamamaslang sa abogadong si Sitti Gilda Mahinay-Sapie at asawang si Muhaimen Mohammad Sapie sa labas ng kanilang bahay sa Phase 2, Solariega Subdivision alas 4 ng hapon, ayon sa mga awtoridad.
Wala pang matumbok na suspek at motibo ang Davao City Police Office dahil patuloy pa umano ang kanilang ginagawang imbestigasyon lalo pa't ang subdivision kung saan nakatira ang mag-asawa ay mahigpit ang security at hindi basta-basta nakakapasok ang hindi homeowner.
Kilala si Sitti na legal counsel ng mga may problema sa lupa sa Davao del Sur at Davao del Norte.
Hinuli siya noong June 25, 2019 base sa search warrant dahil sa umano'y kasong illegal possession of firearms matapos siyang makuhaan ng Beretta 9mm at mga bala.
Siya ay nakalabas matapos nakapagpiyansa noong July 1, 2019.
Sa isa namang pahayag, ikinalungkot at mariing kinondena ng Davao City chapter ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang pagpaslang sa abogado at mister nito.
"The senseless killings of the Sapie spouses is a deorgation of the rule of law. Every life is scared and should be respected. The attempt to take any life will never be tolerated in a civilized society," sabi ng IBP sa pahayag.
Nanawagan din ang grupo sa mga awtoridad na bigyan ng katarungan ang pagkamatay ng mag-asawa.
Hiling din ng IBP sa gobyerno na tiyaking nagagawa ng mga abogado ang kanilang mga trabaho nang walang takot.
—Ulat nina Cheche Diabordo at Hernel Tocmo
KAUGNAY NA BALITA
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
abogado, lawyer, patay, pamamaril, murder, crime, Regional news, Tagalog news, Integrated Bar of the Philippines