PatrolPH

2 pang Taal evacuees positibo sa COVID-19

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2021 04:00 PM

Nadagdagan pa ang mga lumikas dahil sa Bulkang Taal na nagpositibo sa COVID-19.

Kinilala sila bilang mga evacuee sa Don Leon Martinez Memorial Elementary School (DLMMES) sa Balayan, Batangas. Ang isa umano ay 23 anyos na buntis habang ang isa naman ay 20 anyos na hipag nito.

Ang DLMMES ang nagsisilbing evacuation site para sa 93 indibidwal o 27 pamilya mula sa mga danger zone sa bayan ng Agoncillo.

Dinala na sa San Juan District Hospital ang buntis na kabuwanan na rin habang ang 20 anyos na babae ay nananatili sa isolation center.

Naka-isolate na rin ang iba pang miyembro ng pamilya ng dalawang positibo habang naghihintay pa ng test.

"Wala naman po siyang sipon pero nag-positive po siya. Asymptomatic," sabi ni Joyce De Castro Piñano, camp manager ng DLMMES.

Bukod sa mga nagpositibo sa COVID-19, may 13 pang taga-DLMMES na nagpakonsulta sa mga doktor dahil sa sipon, lagnat, ubo, at altapresyon.

Aminado ang ilang evacuee na natatakot din silang mahawa sa sakit.

"Mag-iingat na lang ho at hindi na lalabas ng school," ani Violeta Barrion.

Nasa 4,515 indibidwal ang nanunuluyan ngayon sa 26 na evacuation center, habang 9,011 naman ang nakikitira sa mga kaanak na malayo sa danger zone.

Nauna nang naiulat na may nagpositibong senior citizen na evacuee sa Agoncillo kahit pa nabakunahan na siya.

Puspusan na ang testing at pagbabakuna sa Batangas para sa mga lumikas sa Taal.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.