Sundalo patay, 3 sugatan sa palitan ng putok ng militar, NPA sa Palawan

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 12:55 AM

TAYTAY, Palawan - Isang sundalo ang patay at tatlong iba pa ang sugatan matapos makasagupa ng tropa ng Philippine Marines ang isang armadong grupo na umano'y mga miyembro ng New People's Army (NPA) sa bayan ng Taytay, Palawan Lunes ng hapon.

Ayon sa 3rd Marine Brigade, 10 minuto ang itinagal ng engkwentro ng militar at mga hinihinalang miyembro ng NPA sa Sitio Ibangley sa Barangay Abungan pasado alas 3:30 ng hapon.

Dito na namatay ang isang sundalo at nasugatan ang 3 iba pa. Nakatakbo naman papalayo sa lugar ang mga hinihinalang NPA.

Ayon sa tagapagsalita ng 3rd Marine Brigade, isang impormasyon ang natanggap nila na may kahina-hinalang mga tao sa lugar kaya naman agad na nagsagawa ng patrol ang mga sundalo.

"It's a legit encounter. May nagreport na civilian sa presence ng mga kahina hinalang tao po and sa pagresponde ng Marines ay nagkasagupaan po sila," ani 1st Lt. Orchelyn Bobis, tagapagsalita ng 3rd Marine Brigade.

Hindi pa tukoy kung ilan naman ang sugatan sa grupo ng NPA.

"May mga bloodstain sa lugar na pinwestuhan ng kalaban po. Kaya naniniwala ako na may casualty sila," ani Bobis.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang isinasagawang pagsuyod ng mga tropang Marines sa pinagyarihan ng engkwentro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.