Quezon City tumanggap ng 300 contact tracers

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 02:39 PM

MAYNILA - Tumanggap ng 300 contact tracers ang lokal na pamahalaan ng Quezon City para mapalakas ang contact tracing, na isa sa nakikitang hakbang para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, ang agresibong contact tracing ay isa sa mga susi para mabilis na matukoy ang mga nakakasalamuha ng mga pasyenteng may COVID-19.

Pangunahing trabaho ng mga bagong kuhang contact tracer ay hanapin ang mga nakasalamuha ng COVID-19 sa lungsod at alamin ang mga naging aktibidad ng mga ito noong nagdaang 2 linggo, ayon kay Rolando Cruz, pinuno ng epidemiology and surveillance unit ng Quezon City government.

Bumuo na anya sila ng 30 team ng contact tracers.

Sumailalim din sa isang araw na pagsasanay ang 300 contact tracer. Kabilang sa mga itinuro sa kanila ay ang mga protocol, pagsusuot ng protective gear, at epektibong pag-interview.

Kabilang sa mga napililing contact tracers mula sa mahigit 1,000 nag-apply ay registered nurses, medical technologists,mga pulis, at mga taga-barangay.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.