PatrolPH

Prototype barrier ng Angkas inaprubahan pero pagtanggap ng pasahero bawal pa rin

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 07:38 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nagsagawa ng prototype barrier ang isang motorcycle taxi company, sakaling payagan ng gobyerno na magbalik-operasyon sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Naaprubahan man ito ng national coronavirus task force ay hindi pa umano sila maaaring makapagsakay ng pasahero. 

Sa panukalang plastic barrier ng motorcycle taxi company na Angkas, may hawakan ang pasahero sa likuran ng barrier. Nakakabit din ang nabanggit na barrier sa vest na suot ng rider.

May suot din dapat na face mask at helmet ang mga pasahero at rider. Ayon sa Angkas, wala pang P500 ang aabutin ng kada piraso ng binuo nilang plastic barrier. 

Wala silang balak ibenta ang shield pero isasapubliko umano nila ang disenyo para magamit o makopya ng iba. 

“It’s malleable, it doesn't shatter. Para po siyang ano, plastic bottle pero medyo matigas po. The idea there is hindi siya magsa-shatter at hindi rin siya magbebreak into shards that may add to injuries,” ayon kay George Royeca, Regulatory at Public Affairs head ng Angkas. 

Pero kahit nakahanda na ang Angkas, iginiit ng Department of Transportation na hindi pa rin sila puwedeng tumanggap ng pasahero. 

Tapos na kasi ang pilot test run ng mga motorcycle taxi, at wala pang batas na ginagawang legal ang mga motorcycle taxi. 

“Hindi pa puwede ‘yun kasi it means motorcycle taxi yan eh dapat may batas. The pilot program ended last April… In the absence of a law, hindi puwede… magiging ilegal yun,” ani Transportation consultant Bert Suansing. 

Pero ayon kay Royeca, nakikipag-ugnayan na sila sa Inter-Agency Task Force ukol sa paggamit ng mga naturang barrier. 

Pinag-aaralan pa ng Joint Task Force on COVID shield ang iba pang disenyo ng barrier. At sa ngayon, pinahihintulutan ang pag-angkas sa mag-asawa o magka-live in basta’t may patunay, barrier, helmet, at face mask. — Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.