Magpapatupad ng mas mahigpit na home quarantine standards ang pamahalaan para sa mga nagpositibo sa COVID-19, ayon kay Interior Secretary Eduardo Año ngayong Martes.
Sa press conference ng National Task Force Against COVID-19, sinabi ni Año na hindi na papayagang mag-home quarantine ang mga mild at asymptomatic cases kung walang kapasidad ang bahay ng mga ito para sa tama at ligtas na isolation.
“Ayaw na po natin mag-home quarantine ang mga positive natin kung wala naman po talagang kapasidad 'yung kanilang bahay. Kaya ang gagawin natin sa tulong ng LGUs (local government units) at PNP (Philippine National Police) ay ibabahay-bahay po natin 'yan at dadalhin natin ang mga positive sa ating COVID isolation facilities," aniya.
Sa tulong umano ng mga lokal na pamahalaan at pulisya, pupuntahan ang mga bahay at aalamin ang kondisyon ng mga pasyente.
Kung hindi akma para sa home quarantine ang mga bahay, dadalhin ang mga pasyente sa mga isolation facilities ng pamahalaan.
Sinabi naman ng bagong talagang anti-COVID czar na si Bases Conversion and Development Authority (BCDA) president Vince Dizon, papayagan pa rin ang home quarantine basta nakahiwalay ng kuwarto ang pasyente at may sariling banyo.
Una nang nagpalabas ng home quarantine guidelines ang Department of Health (DOH) noong Pebrero.
Nanawagan si Año sa publiko na i-report ang mga maaaring nagtatagong COVID-19 positive patients upang agad madala ang mga ito sa isolation facilities at matiyak na mabibigyan ng sapat na atensyon sa loob ng 14 na araw na quarantine.
“Kailangan po natin dito ay cooperation. Sa atin pong mga mamamayan, kung alam po ninyo na inyong kapitbahay ay merong positive at nagtatago ay i-report po ninyo sa amin," aniya.
May 57,545 kumpirmadong kaso na ng COVID-19 ang buong bansa, base sa pinakahuling ulat ngayong Martes ng DOH. 35,483 sa mga ito ay aktibo.
home quarantine COVID-19 patients police visit, DILG home quarantine COVID-19 patients, Philippines COVID-19 update