Mga nagsasaranggola pinaalalahanan: Layuan ang mga kawad ng kuryente

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 02:30 PM

Umaapela ang National Grid Corporation of the Philippines sa publiko na iwasan ang pagpapalipad ng saranggola malapit sa mga kawad at poste ng kuryente. 

Sa datos kasi ng NGCP, nakapagtala sila ng 87 insidente ng pagsabit ng saranggola sa linya ng kuryente at ito ay nangyari habang may umiiral na community quarantine. 

Paliwanag pa nila na maaaring may makuryente, magkasunog, o maging sanhi ng power interruption kapag may sumabit na saranggola sa kawad. 

Bukod sa pagpapalipad ng saranggola, dapat iwasan din anila ang pagkakaingin, o anumang aktibidad sa paligid ng transmission lines. 

Ngayong maraming lugar na ang inilagay sa mas maluwag na general community quarantine, inaasahang mas tataas na rin ang konsumo ng kuryente, anila. 

Payo pa ng NGCP, ugaliing tanggalin ang saksakan ng appliances na hindi ginagamit, pag-defrost ng refrigerator kapag kumapal na ang yelo, at iba pa. 

Pwede ring ireport ang anomang iligal na gawain sa kuryente sa kanilang hotlines na 0917-847-6427 o 0918-847-6427. -- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.