Kawalan ng impormasyon mula ABS-CBN nagpalala sa pagkalat ng COVID-19: Fortun

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 05:24 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Naniniwala ang isang mambabatas na nakadagdag pa sa paglala ng sitwasyon dulot ng COVID-19 ang pagpapasara sa ABS-CBN, ang itinuturing na pinakamalaking media at entertainment network sa Pilipinas. 

Ayon kay Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun, isa sa mga nagpahayag ng suporta sa franchise renewal ng network, tila nagpalala pa sa pandemya sa Pilipinas ang kawalan ng impormasyon na nakukuha noon mula sa ABS-CBN.

"The shutdown of ABS-CBN is contributing to the aggravation of the COVID-19 crisis in the country. When a large part of our population is deprived of access to information, the more difficult and problematic our efforts at curbing the spread of the disease become," ani Fortun. 

Dagdag pa niya, tanging 55 porsiyento ng mga Pilipino ang may smartphones at 4 na milyong Pilipino lamang ang may broadband connection na maaaring magamit para makapanood ng balita sa internet at social media.

"Only 55 percent of Filipinos have smartphones and only 4 million Filipinos have broadband connections for full access to news on the internet and social media," ani Fortun.

Para kay Fortun, mahusay ang ABS-CBN sa paglalahad ng mga balita lalo na sa mga rehiyon kung saan ginagamit ng network ang mga wika sa lugar.

"One of the features of the anti-COVID-19 measures in Regions 1 and 2 is the pervasive use of Ilocano. They (ABS-CBN) were effective there because they communicated in the language almost everybody there could understand... ABS-CBN News has regional news on radio and TV. This is one of the network's strengths. But because they are off the air, TV news and public affairs programs in local regional languages have nearly vanished" aniya. 

Noong Biyernes ay nagdesisyon ang 70 mambabatas sa isang komite sa Kamara na patayin ang prangkisa ng ABS-CBN na magbibigay sana sa network ng permiso na makabalik sa himpapawid. 

Ito'y katuparan ng pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara ang ABS-CBN na paulit-ulit nitong sinabi sa mga public speech. 

Dahil dito, ang mga malalayong lugar sa bansa na nararating lamang ng signal ng ABS-CBN ang wala nang regular at libreng pagkukunan ng kritikal na balita at impormasyon.