CHR nag-sorry sa kabiguang masagip ang mga biktima sa Tondo 'secret jail'

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 04:47 PM


MAYNILA — Humingi ng paumanhin ang Commission on Human Rights (CHR) sa kanilang pagkukulang at kabiguang masagip ang mga biktima sa nabuking na secret jail cell sa Manila Police District Station 1 sa Tondo noong Abril 2017.

Ito'y matapos lumabas ang mga puna at kritisismo sa social media sa naging aksyon ng ahensya sa secret jail na natampok sa dokumentaryong "Aswang."

Hanggang sa ngayon kasi ay gumugulong pa rin ang kaso at wala pa ring napapanagot na mga pulis sa nangyaring insidente. Hindi rin nila napalabas sa kulungan ang mga naabutan doon kahit pa sila umano ay ipinatutubos ng mga pulis.

Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia, kinikilala nila ang mga puna at sila ay bukas sa anumang feedback mula sa publiko para mapabuti ang kanilang serbisyo. 

Giit ni De Guia, kumilos ang CHR para mapanagot ang mga sangkot na pulis sa pamamagitan ng pagsampa ng kaso sa kanila sa Office of the Ombudsman noong Mayo 11, 2017 sa pangunguna ni Commissioner Karen Gomez Dumpit. 

Lumahok din aniya ang CHR sa isinagawang inquiry ng Committee on Human Rights ng House of Representatives ukol sa secret jail para ilahad ang kanilang mga natuklasan sa MPD Station 1. 

Nagbigay din ng tulong ang CHR sa pamamagitan ng Witness Protection Program para makatulong sa imbestigasyon sa nasabing kaso. 

Patuloy din anya ang pakikipag-ugnayan ng CHR sa Ombudsman para i-monitor ang pag-usad ng kaso. 

Nagpapasalamat naman ang CHR sa publiko na nabuhay ang usapin sa kasong ito. 

Umaasa ang CHR na makatutulong ito para mapabilis ang pag-usad ng hustisya at mapanagot agad ang mga pulis na sangkot sa paglabag sa dignidad at karapatan ng 12 na biktima ng MPD station 1 secret jail.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.