Cashless payment para sa mga PUV sa Baguio City isinusulong

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 11:30 AM

Isinusulong sa Baguio City ang paggamit ng cashless payment sa transport sector kasunod ng pagdami ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod. 

Nakipagkasunduan na ang Baguio City local government at ang isang kompanya para magawa ito. 

Ayon sa Public Information Office ng siyudad, nadagdagan ng dalawang kaso ng COVID-19 sa Baguio City. 

“‘Yung sukli became a vehicle of transmission and that’s the reason why we have several cases wherein cashiers, taxi drivers, billing clerks were infected,” paliwanag ng alkaldeng si Benjamin Magalong.

Ang magiging sistema, gagamit ng isang beep card na maaaring lagyan ng load gamit ng online banking o kaya mga loading station na ipapakalat sa lungsod, kabilang ang mga terminal. 

Ita-tap ito sa device na naka-install sa jeep, taxi, o kaya bus. 

Giit ng LGU, hindi puwersahan ang paggamit nito, pero may ilang asosasyon ng mga jeepney driver at operator na nagpahayag ng interes sa plataporma. 

Nakakatulong daw kasi ito na maprotektahan ang sarili at mga pasahero sa pagkalat ng virus, lalo na’t wala pang bakuna para sa COVID-19. 

P100 ang halaga ng card at agad itong irerehistro. Kailangan lang ng dalawang valid ID. 

Hati ang pananaw ng ilang commuter dito.

Para sa commuter na si Moises Buenafe, makakatulong ang cashless payment sa contact tracing. 

Pero para sa isa pang commuter na si Shalom Buyagawan, “mas maaabala” lang ang mga makikinabang dapat dito. 

“Imbes na tutulang ka sa ibang tao hindi na. Katulad ng ano, imbes na bigyan mo sila ng mga tip ganoon. Kung kaunti lang yung pasahero, wala na,” ani Buyagawan. 

Target ng LGU na gawing cashless ang bayad sa lahat ng pampublikong sasakyan sa Baguio pagdating ng Disyembre. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.