Batang natusok ng lapis sa mata tinulungan ng Lingkod Kapamilya

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 07:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Gustuhin man ni Arcelli Burgas na maipagamot agad ang bunsong anak na si Marianne, wala silang perang panggastos sa ospital.

Hindi rin alam ni Arcelli kung saan makakahingi.

Kamakailan habang nagdu-drawing at walang kuryente sa kanilang bahay, aksidenteng natusok ni Marianne ng lapis ang kaniyang kaliwang mata.

"Kung hindi daw maooperahan, masisira 'yong mata," ani Arcelli.

"Sabi ng kapitbahay ko, ilapit ko ang problema ko sa ABS-CBN kasi sabi ko kailangan ko 'yong pinansiyal," dagdag niya.

Matapos makausap ang ABS-CBN, nadala sa East Avenue Medical Center si Marianne para mapasuri ang mata.

"Noong nakita namin, mapula ang mata... Mukhang galing sa dulo ng lapis," ani Dr. John Philip Lim ng East Avenue Medical Center.

"Kinailangan siyang operahan kasi hindi maaaring iwanan 'yong foreign object na 'yon sa mata," aniya.

"Sa ngayon ang binabantayan namin ay hindi siya magkaroon ng infection."

Naging maayos ang operasyon ni Marianne at ngayon ay patuloy ang kaniyang check-up.

"Nagpapasalamat talaga ako sa ABS-CBN, siya talaga ang naging daan para maoperahan ang anak ko," ani Arcelli.

Grade one ngayong pasukan si Marianne at malaking ginhwang walang magiging sagabal sa kaniyang paningin habang nag-aaral. -- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.