PatrolPH

Barangay sa Caloocan, isinailalim sa 'total lockdown' dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 03:33 PM | Updated as of Jul 14 2020 07:05 PM

Watch more on iWantTFC

AYNILA — Isinailalim sa isang-linggong total lockdown ang Barangay 93 sa Caloocan City dahil sa pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lugar, ayon kay Mayor Oscar Malapitan nitong Lunes.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Malapitan na nagsimula ang total lockdown nitong Linggo at matatapos sa Sabado ng 11:59 ng gabi. 

Sa tala, nasa 28 residente na ng Barangay 93 ang kumpirmadong positibo sa virus.

"Habang nasa total lockdown ay magsasagawa tayo ng contact tracing at mass testing sa lugar. Inatasan ko rin ang ating kapulisan na magkaroon nang mahigpit na police visibility sa area," sinabi ni Malapitan sa Facebook post.

 

Ayon sa alkalde, tiniyak na nito ang pamamahagi ng food packs sa 1,100 household sa Barangay 93 habang ito ay naka-total lockdown.

"Layunin nating mapigilan ang patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19. Hindi tayo dapat makampante kahit nasa [general community quarantine] na ang Metro Manila. Tuluy-tuloy ang laban natin sa COVID-19," ani Malapitan.

"Muli tayong humihingi ng kooperasyon at pang-unawa sa ating mga mamamayan sa pagharap natin sa laban kontra COVID-19.”

Iaanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Miyerkoles kung mananatili pa rin ba sa general community quarantine ang Metro Manila.

Sa kasalukuyang tala ng Department of Health, umabot na sa 57,006 ang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 1,599 na ang nasawi at 20,371 ang gumaling na. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.