MAYNILA — Hindi lang libreng entertainment ngayong panahon ng pandemiya ang epekto ng tuluyang pagkawala ng ABS-CBN sa free TV.
Para kay Danilo Monterico, sa panahon ng pandemiya kung saan sana’y nasa loob lang ng bahay ang mga apo, walang siyang magawa kundi hayaan na lang din ang mga ito dahil wala na ang mga dating pinanonood sa ABS-CBN.
"Nalilito ako. Walang mapanooran ang mga bata... Lalabas sila walang mapanooran eh," ani Monterico.
"Parang tinanggalan kami ng karapatang mamili. Para akong binawasan ng lakas. Kumbaga kung ako’y nagtatrabaho nawalan ako ng isang kamay. Hindi na ba magagawan ng paraan yan?" pagtatanong niya.
Hindi lang naman ang kawalan ng entertainment programs ang epekto ng paglaho ng prangkisa ng ABS-CBN.
Tinanggalan din ng Kongreso ng plataporma ang iba-ibang sektor ng lipunan para ilabas ang kanilang mga hinaing.
Kabilang na rito ang paglahad ng saloobin ng Alliance of Health Workers sa usapin ng kapakanan ng mga manggagawa sa sektor ng healthcare.
"Yung mga health workers, talagang masama ang loob dahil maraming beses na rin na mula from the lesser of health workers na mga campaigns, campaigns sa sahod, anti-contractualization, sinundan kami ng ABS-CBN mula noon pa. Every time na merong issues sa mga hospital, ang ABS-CBN ang dumudulog sa amin agad para tulungan ang mga health workers," ani Robert Mendoza, national president ng AHW.
Dagdag ni Mendoza, ngayong panahon ng pandemiya, lumakas ang kanilang boses ng hinaing ukol sa special risk allowance at kakulangan ng personal protective equipment ng mga lumalaban kontra sa COVID-19, sa tulong ng ABS-CBN.
"Nakakalungkot lang kasi malaking tulong ang ABS-CBN doon sa monitoring, information dissemination sa iba-ibang barangay at regions... Other regions ay wala pong signal ang ibang channels except for ABS-CBN. Nakakagalit po," ani Mendoza.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, ABS-CBN, ABS-CBN franchise, prangkisa , TV Patrol, Pandemya , TV PATROL TOP