79 tao mula Metro Manila na dumating sa Maguindanao positibo sa COVID-19

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2020 03:59 PM

SULTAN KUDARAT, Maguindanao — Nagpositibo sa COVID-19 ang 79 mula sa mahigit 400 mga stranded individuals na dumating sa Maguindanao mula sa Maynila.

Mula sa 405 locally stranded individuals mula Maynila na unang dumating sa Cagayan de Oro at kalauna'y dinala sa Sultan Kudarat, 79 dito ang positibo sa COVID-19, at 148 ang hinihintay pa ang resulta ng swab test.

Pawang mga residente ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi ang mga stranded individuals.

Balak sanang mapauwi na ang mga magnenegatibo sa swab test, pero dahil mataas na ang kontaminasyon, minabuti ng Bangsamoro government na isailalim na ang mahigit 400 tao sa 14-day quarantine.

"As we were working back the process all the way to the situation in Manila, noong sinakay sila sa barko, binaba sa Cagayan de Oro, nag-stay sa Cagayan, sumakay sa bus, nilagay sa facility. We felt then that in all honesty, wala nang chance na hindi pa na-contaminate 'yung mga kasama nila kasi at every stage of the travel, nag-mix 'yung mga tao," ani Naguib Sinarimbo minister ng Ministry of the Interior and Local Government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. 

Nananatili sa 4 na quarantine facilities sa bayan ng Sultan Kudarat ang mga stranded individuals.

Kabilang na dito sa pasilidad ng Ministry of Public Works at sa katapat nitong Integrated Agricultural Research Center.

Mayroon ring nanatili sa gusali na nasa loob ng Camp Darapan ng Moro Islamic Liberation Front.

"Medyo challenging because these are not regular areas for accommodations. Kailangan bumili ng mga bedding, pagkain, water, electric fan... And we thought it's going to be 2 to 3 days and now we’ll have to house them for 2 weeks," ani Raisa Jajurie, minister ng Ministry of Social Services and Development. 

Ayon sa BARMM, mayroong mga nakabantay na mga tropa ng pulisya at Philippine Marines sa mga quarantine facilities para matiyak na naka-isolate lang ang mga stranded individuals.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.