MINALIN, Pampanga- Kasalukuyang naka-total lockdown ang Purok 2 at Purok 3 sa Barangay Sto. Domingo sa bayan ng Minalin, Pampanga matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang 2 residente na namatay sa loob ng isang linggo.
Epektibo nitong Lunes, Hulyo 13, ang localized enhanced community quarantine sa 2 purok.
Ayon kay Pampanga Governor Dennis Pineda, ini-lockdown ang lugar matapos makumpirmang positibo sa COVID-19 ang 2 namatay na residente doon.
Isang babaeng may disability at isang lalaking tindero ng mani sa lungsod ng San Fernando ang mga namatay.
Tatagal ng isang linggo ang hard lockdown para limitahan ang galaw ng mga tao sa nasabing lugar at para magbigay-daan sa contact tracing ng mga nakasalamuha ng mga namatay.
Ayon kay Minalin Mayor Edgardo Flores, nakuhanan na ng swab samples ang nasa mahigit 50 tao na nakasalamuha ng 2 pasyente base sa kanilang contact tracing.
Nagdagdag rin ng 20 pulis na magmamando sa quarantine control points sa lugar.
Base sa pinakahuling datos ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit nitong Lunes, nasa 185 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Pampanga. Mayroong 56 pending cases, habang nasa 112 na ang gumaling at 17 na ang namatay dahil sa sakit.
Pampanga, Minalin, coronavirus, COVID-19, localized enhanced community quarantine, coronavirus Pampanga update