'No. 8 most wanted' ng Samar, timbog sa QC

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2019 01:57 PM | Updated as of Jul 14 2019 03:41 PM

MAYNILA -- (UPDATE) Naaresto ang ika-8 most wanted personality ng Samar province sa isang fastfood chain sa Cubao, Quezon City nitong Linggo.

Matapos ang 2 taong pagtatago, arestado si Roberto Abawag, isang dating miyembro ng 87th Infantry Division ng Philippine Army at nag-resign matapos ang mahigit 10 taon sa serbisyo.

Ayon kay Police Major. Norman Ala, provincial officer ng CIDG Western Samar, wanted si Abawag sa kasong pagpatay sa isang barangay captain sa San Jorge, Western Samar noong 2017.

"Allegedly, inutusan silang patayin iyong barangay chairman dahil sa political aspiration ng isang political aspirant noong eleksyon," ani Ala.

Itinanggi naman ng suspek ang krimen. Aniya, nadawit lang siya rito at napagdesisyunan niyang sumuko upang patunayan na wala siyang sala.

"Kaya nagpakita nga ako dito para matapos. Kaya wala akong kinalaman dito. Pinagbibintangan ako na pumatay ng barangay captain," paliwanag ng suspek.

Aniya, umalis siya sa Samar dahil sa takot nang malaman niyang wanted siya sa kasong pagpatay.

"Ang hirap ng buhay ko ngayon. Dati nung sundalo ako, 14 years in service ako. Kaya malaking pagsisisi ko na umayaw ako pag-sundalo," ayon kay Abawag.

Sinabi ng suspek na nag-AWOL siya sa pagka-sundalo matapos magkasakit ng kaniyang ina.

Para sa pulisya, malaking ginhawa para sa mga residente ang pagkahuli kay Abawag.

"Iyong nature ng krimen na ginawa niya is medyo delikado kasi spur of the moment, pwede siyang gumawa ng krimen dito sa Metro Manila," giit ni Ala.

Dadalhin ang suspek sa Samar at doon na ikukulong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.