Bata sa Cebu nahulog sa drain pipe

Aiza Layague, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2019 03:33 PM | Updated as of Jul 14 2019 07:10 PM

Sanib-puwersa ang Quick Response Team ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office para masagip ang nawawalang bata. Kuha ni Aiza Layague, ABS-CBN News

CEBU CITY — (UPDATE) Bangkay na nang matagpuan ang isang 5 anyos na bata matapos mahulog sa isang culvert o drain pipe sa Barangay Basak-Pardo noong Sabado.

Linggo ng hapon nang matagpuan ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office ang bangkay ng biktimang si John Clark Ebua.

Ayon sa ama ng bata, kakaligo lang ng kaniyang anak pasado ala-1 ng hapon nang manghingi umano ito ng pera pambili ng biskwit.

Makalipas ang ilang minuto ay pumunta ang isang kapitbahay sa ama at sinabing nahulog sa culvert ang bata.

Ayon sa mga saksi, sinubukan umanong abutin ng bata ang nahulog na bola sa culvert pero aksidente itong nadulas papasok.

Nasa 40 hanggang 50 responders ang naghahanap sa bata sa loob mismo ng culvert.

Duda ng responders, inanod ng rumaragasang tubig baha ang bata lalo’t maulan sa Cebu City.

Lumitaw ang katawan ng bata sa ilog nang inanod ng malakas ng baha dahilan ng pagbuhos ng malakas na ulan Linggo ng hapon.

Malungkot man sa sinapit ng nag-iisang anak, nagpapasalamat naman ang mga magulang na nakita na nila ang bata kahit bangkay na lamang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.