Barangay hall sa Cagayan de Oro nilooban

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2019 07:38 PM

Nilooban nitong madaling araw ng Linggo ng hindi pa nakikilalang salarin ang barangay hall ng Agusan sa Cagayan de Oro City, kung saan natangay ang 2 laptop at nasa P50,000 cash.

Pumasok ang mga salarin sa likod ng gusali at umakyat sa ika-2 palapag, base sa imbestigasyon ng pulisya.

Puwersahan umanong binuksan ng mga kawatan ang opisina ng punong barangay, treasurer, at dating secretary.

Kabilang sa mga natangay ang mga laptop na nakapatong sa front desk at mesa ng barangay treasurer, at P50,000 cash na nakatago sa steel cabinet.

"Malaking problema ang pagkawala ng laptop ng barangay treasurer," anang barangay secretary na si Kenneth Piloton.

"Nandoon ang file para sa aming report sa City Hall at Commission on Audit," paliwanag niya.

Patuloy ang pagkalap ng ebidensiya para matukoy ang mga salarin.

-- Ulat ni Rod Bolivar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.