Akusado sa panghahalay sa 2 menor de edad timbog sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2019 03:22 PM | Updated as of Jul 14 2019 06:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado sa Silang, Cavite noong Biyernes ang isang lalaking wanted sa kasong panghahalay noong 2017 sa 2 batang babae na noo'y edad 8 at 5 anyos pa lamang.

Ayon kay alyas "Linda," ina ng isa sa mga biktima, ginahasa ng suspek na si Roger Fernandez ang kaniyang nag-iisang anak na babae noong Hunyo 2017.

Inaanak ni Fernandez ang biktima, kaya hindi nagduda ang ina na may ginagawa itong kahalayan sa bata.

Kuwento pa ni Linda, may isang 5 anyos na bata ring ginahasa si Fernandez noong Enero 2017.

Sumailalim sa 6 na buwang psychiatric counselling ang mga biktima dahil sa trauma.

Dahil dito ay kinasuhan ang suspek ng 2 counts ng statutory rape at child abuse.

Nagbayan-bayan si Linda sa Cavite at namahagi ng kopya ng arrest warrant at retrato ng suspek para mahuli ito at matapos ang halos 2 taong pagtatago ay natunton na si Fernandez.

"Sobrang hirap ng dinanas ko para mahuli 'yang hayop na 'yan. Hindi ko inisip ang sarili kong kaligtasan, ang iniisip ko po ay mabigyan ng hustisya ang nangyari sa mga bata," panggagalaiti ni Linda.

Inamin ng suspek ang krimen. Depensa niya, nagawa niya 'yon dahil sa problema sa love life.

"Iyung time na 'yun po kasi, hiniwalayan ako ng asawa ko, sumama sa Amerikano... Sana mapatawad nila ako," ani Fernandez.
 
Ayon sa pulisya, may 2 pa raw na nabiktimang bata ang suspek kaya hinihikayat nila ang mga pamilya nito na magreklamo para mas tumibay ang kaso.

—Ulat ni Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.