2 pulis patay sa engkuwentro sa CamSur

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2019 04:24 PM

Patay ang 2 pulis matapos makipagbakbakan sa 18 hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Bato, Camarines Sur nitong Linggo ng madaling araw.

Kinilala ang mga ito bilang sina Patrolman Prince Lagdameo at Police Master Sgt. Sotero Javier, parehong miyembro ng Provincial Mobile Force Company ng Camarines Sur Police.

Ayon sa Bicol Police, nagsasagawa ng intelligence operation sa mga bayan ng Bato at Balatan ang mga pulis nang makasagupa ang mga umano'y rebelde.

Samantala, isang engkuwentro rin ang naitala sa bayan ng Tinambac, Camarines Sur, alas-2:45 ng umaga Linggo.

Nakabakbakan ng 83rd Infantry Batallion ng Philippine Army at 501st Mobile Company ng Camarines Sur Police ang mga hinihinalang NPA sa Barangay La Medalla, Tinambac.

Sa 5-minutong putukan, dalawang M-16 rifles at 3 personal na gamit ng mga rebelde ang narekober ng militar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.