2 lineman sa Ilocos, patay nang makuryente habang nag-aayos ng linya

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2019 04:45 PM

SAN NICOLAS, Ilocos Norte -- Patay ang dalawang lineman matapos makuryente sa inaayos na linya Sabado ng hapon sa Barangay 12, San Nicolas, Ilocos Norte.

Kinilala ang mga biktimang sina Marcon Domion at Talio Portela.

Ayon sa mga saksi, nalaman na lamang nilang may nakuryente nang makarinig sila ng nahulog na helmet. Paglingon nila, nakitang nakasampay na sa kable ang dalawang lineman.

Base sa imbestigasyon, biglang nagkaroon ng kuryente ang inaayos na linya ng dalawang biktima.

Ayon sa pulisya, inaalam pa nila kung nagkaroon ng lapses sa pamunuan ng Ilocos Norte Electric Cooperative (INEC).

Ang pag-ayos ng mga lineman sa bayan ng San Nicolas ay para ilipat ang mga poste ng kuryente ng INEC para sa road-widening project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ginagawa ang nasabing paglilipat ng linya tuwing Sabado at Linggo.

Nangako naman ang pamunuan ng INEC na iimbestigahan ang insidente. Ibibigay umano nila ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa Martes.

Hindi rin umano papabayaan ng INEC ang pamilya ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.