P10-K halaga ng ‘shabu’ nakumpiska sa buy-bust sa Davao; suspek timbog

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2018 10:10 AM

Nasamsam mula sa suspek ang limang pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P10,000. Talomo Police Station

DAVAO CITY – Timbog ang isang lalaki matapos mahulihan ng mga pakete ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa kaniyang bahay sa Matina Gravahan dito, Biyernes ng hapon.

Ayon sa Talomo Police, matagal na umano nilang minamanmanan ang mga galaw ng suspek hangggang sa lumabas na ang search warrant laban sa kaniya.

Nakuha sa kaniya ang limang pakete ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng P10,000 at mga gamit na may kinalaman sa droga.

Aminado mang gumagamit noon ng ilegal na droga, giit ng suspek na hindi siya nagbebenta ng shabu.

Aniya, bukod sa pamamasada, nagtrabaho din siya bilang dicer ng mga gulay.

Napag-alaman ding kasali ang suspek sa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency Region XI at itinuturing na high value target ng mga pulis.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.