Mga puno nabuwal, ilang bahay nasira sa pagdaan ng ipo-ipo sa Lamitan

Noning Antonio, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2018 01:38 PM | Updated as of Jul 14 2018 08:29 PM

Nasa 50 puno ang nabuwal matapos dumaan ang isa umanong ipo-ipo sa Barangay Baas sa Lamitan City. Wala namang nasaktan sa insidente dahil agad ding nalusaw ang ipo-ipo. Larawan mula sa Ronda de Basilan.

LAMITAN CITY - Nabuwal ang mga puno habang nasira naman ang isang tapahan at ilang abandonadong bahay sa Barangay Baas sa lungsod na ito matapos tamaan ng isa umanong ipo-ipo, Biyernes ng hapon.

Ayon sa mga residente, biglang lumakas ang hangin. Ilang minuto pa ay nakita na nila ang paikot-ikot na hangin at nabuwal ang aabot sa 50 puno, tinangay ang isang tapahan at mga abandonadong kubo.

Walang nasugatan sa insidente dahil nalusaw din agad ang ipo-ipo.

Sa Maluso, Basilan, aabot sa 12 bahay ang nasira ng malalakas na alon sa dalawang barangay.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, 10 bahay ang winasak ng malalakas na hampas ng alon sa Barangay Canlas at dalawang bahay sa Barangay Samal Village noong Miyerkoles ng umaga.

Sinira din ng alon ang isang fishing boat at pumpboat. Wala namang nasagutan pero humihingi ngayon ng tulong ang mga apektadong residente. 

Ayon sa PAGASA, habagat ang dahilan ng masamang panahon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.