Hepe ng Muntinlupa City police tinanggal sa puwesto

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2018 09:54 AM

MAYNILA - Tinanggal na sa puwesto ang hepe ng Muntinlupa City police matapos masangkot ang 4 sa kaniyang tauhan sa kasong robbery extortion.

Kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar sa ABS-CBN News na ni-relieve niya si Senior Supt. Dionisio Bartolome.

Nitong Biyernes, nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng Regional Special Operations Unit (RSOU) ng NCRPO sa mismong tanggapan ng Muntinlupa City police.

 

Target ng operasyon sina PO2 Farvy Dela Cruz, PO1 Jon-Jon Averion, PO3 Romeo Par, at SPO1 Psylo Joe Jimenez. Sila ay mga miyembro ng Intelligence at Drug Enforcement Unit ng Muntinlupa police.

Nangikil umano ang mga pulis ng P40,000 sa babaeng si alyas "Madam" na nahulihan daw nila ng ilegal na droga nitong Huwebes.

Tumanggi munang magbigay ng komento si Bartolome hinggil sa isyu. - ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.