SAPUL SA CCTV: Pamamaril sa pulis-Biñan

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2017 10:49 PM

Patay nang tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin ang isang pulis sa lungsod ng Biñan, Laguna. 

Nakilala ang biktima na si SPO2 Ricardo Infante. Naisugod pa siya sa ospital pero binawian din ng buhay.

Nakuha pa sa CCTV ang insidente at pinag-aaralan na ito ng pulisya.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang motorsiklo ng biktima na nag-menor pa nang dumaan sa isang hump.

Makalipas ang ilang sandali, bigla na lang natumba ang driver nito.

Nang tingnan ang isa pang kuha ng CCTV, binaril na pala ang biktima ng isang lalaking nag-aabang sa kanya.

Dalawang tama ng bala sa ulo at dalawa rin sa dibdib ang tinamo ng pulis.

Kinuha rin ng salarin ang .45-kalibreng baril ni Infante.

Kita rin ang pagdating ng isa pang kasamahan ng salarin na nakamotorsiklo at mabilis silang tumakas.

Ayon sa ilang residenteng nakakakilala sa biktima, istrikto pero tapat sa serbisyo at mabait na pulis si Infante na naka-assign sa Biñan City Philippine National Police.

Balak naman ng Regional Anti-Cyber Crime Group na isalang ang CCTV footage sa video enhancement para mamukhaan ang gunman at kanyang kasabwat.

Hiling naman ng pamilya Infante ang pribadong panahon para makapagluksa.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kung may kaugnayan sa kanyang trabaho bilang pulis o personal ang naging motibo sa pamamaslang. — Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.