Nationwide smoking ban, sa Hulyo 23 pa ipatutupad

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2017 02:22 PM | Updated as of Jul 14 2017 04:44 PM

Muling nilinaw ng Department of Health na sa Hulyo 23 pa, at hindi sa Hulyo 15, ipatutupad ang kautusang nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa. 

Una nang sinabi ni DOH Assistant Secretary Eric Tayag na sa Hulyo 22 na ito epektibo ngunit agad ding binawi at nilinaw nitong Biyernes ng hapon na sa Hulyo 23 na tuluyang ipatutupad ang Executive Order 26 o ang nationwide smoking ban.

"Una, kung pagbabasehan natin ‘yung May 16, petsa na nilagdaan ng ating Pangulo, bukas (ito ipapatupad); subalit doon sa executive order, 60 days after ng publication sa isang major daily," ani Tayag.

"Nang chineck namin ito, na-publish sa Manila Bulletin noong May 23. Pag nagka-ganoon, sa isang Sabado pa ii-implement, pero puwede na silang mag-practice," dagdag niya, at sinabing maglalabas pa sila ng higit na klaripikasyon ukol dito.
 
Nauna nang sinabi ni Health Secretary Paulyn Ubial na hindi na kailangan ng implementing rules and regulations (IRR) para maipatupad ang Executive Order No. 26.

Payo ng Department of Health sa mga establisimyento, magsimula nang maglagay ng mga karatula ng "no smoking" para hindi na magbayad ng multa. 

Depende naman sa ordinansa na ipinatutupad sa isang siyudad o bayan ang babayarang multa kapag lumabag. 

Sa ilalim ng kautusan, mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar, at maaari lang manigarilyo sa mga itinakdang mga lugar.

Gayumpaman, may mga lugar na hindi maaaring maglagay ng kahit anong smoking area, gaya ng ospital, medical clinic, health center, dental clinic, laboratory, mga paaralan, hagdanan, elevator, at mga fire hazard na lugar gaya ng mga gasolinahan at food preparation area.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.