Incumbent mayor ng Marcos, Ilocos Norte, itinurong utak sa pagpatay sa dating mayor

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2017 10:20 PM

Itinuro ang dating bise-mayor at ngayong Mayor Jessie Ermitanio bilang utak sa pagpatay sa dating alkalde na si Arsenio Agustin ng isa sa mga suspek nitong Biyernes.

Ayon kay Bernie Lazo, isa sa mga suspek, mismong si Ermitanio daw ang kumausap sa kanya na patayin si Agustin.

Idinawit din ni Lazo sina RD dela Paz at Joseph Datu sa pagpatay kay Agustin noong Hunyo 3 sa Barangay Mabuti, Marcos.

Si Dela Paz umano ang bumaril kay Agustin gamit ang isang M16 rifle. 

Maliban kay Agustin, namatay ang isa pang bulldozer driver na nagtratrabaho sa impounding project nang mangyari ang krimen.

Nahuli ng mga pulis si Lazo sa pinagtataguan niyang bahay sa bayan ng San Nicolas, Ilocos Norte.

Ayon kay Lazo, P150,000 ang kanyang bayad pero P70,000 pa lang ang kanyang nakukuha.

Inamin din nito na siya ang dating driver ni Mayor Agustin. Kumanta umano siya dahil nakonsenya at handa ring tumestigo laban kay Ermitanio.

Magka-tiket noong 2016 election sina Agustin at Ermitanio. Nanalong mayor si Agustin at bise-mayor naman si Ermitanio.

Dahil sa law of succession, si Ermitanio ang umupong mayor pagkatapos mapatay si Agustin.

Ayon kay Lazo, paghihiganti ang motibo ni Ermitanio sa pagpatay kay Agustin. 

Noong Abril 4 ay naambush si Ermitanio at nakaligtas pero namatay ang driver nito.

Dagdag ni Lazo, hinihinala ni Ermitanio na si Agustin ang nag-utos sa ambush sa kanya.

Pinabulaanan naman ni Mayor Ermitanio ang akusasyon sa kanya pero limitado ang kanyang sagot. Sa korte na lamang daw niya sasagutin ang anumang kasong isasampa sa kanya.

Inaresto ng pulisya si Ermitanio matapos mahulihan ng mga baril sa isinagawang search operation sa kanyang bahay.

Arestado naman si Joseph Datu sa Barangay Manaboc, Burgos, Ilocos Sur nitong Biyernes.

Nakuha mula kay Datu ang dalawang bala ng kalibre .357, isang cellphone at dalawang unipormeng pantaas ng mga awtoridad.

“Itong pag-apply ng search warrant, nag-umpisa ito sa isang krimen sa Ilocos Norte, kaya ang applicant natin ay ang mga taga-Ilocos Norte Police, so joint effort ito,” ani Police Insp. Crisanto Alon.

“Pero ang Burgos, Ilocos Sur ang territorial unit na magfa-file at magiimbestiga kaya isasampa natin sa Regional Trial Court ang kaso kontra sa suspek.”

Ayon kay Datu, matagal na raw nang huli siyang magpunta sa bayan ng Marcos, Ilocos Norte.

“Sabi nila 17 daw kami, sinasabi rin na nakita daw ako noong May 29, na kinausap ng mayor ngayon pero hindi naman ako nagpunta doon, iyun naman ang sinasabi ng CIDG na nagpunta raw ako,” ani Dato.

Depensa naman niya kung bakit may mga bala siya ng baril ay anting-anting niya umano ito. 

Dagdag nito, ang mga uniporme ay binili niya upang gamiting proteksyon sa init tuwing nasa bukid.

“Iyung uniporme binili ko, gagamitin ko sanang jaket pero hindi ko pa nagamit dahil bawal daw. Iyung bala naman, kontra daw sa mga mangkukulam sabi nila pero mahuhuli pala ako dahil doon,” ani Dato.

Nasa kustodiya na ng Philippine National Police-Burgos ang suspek na nahaharap sa kasong Illegal Possession of Firearms and Ammunition.

--Ulat nina Randy Menor at Ria Galiste, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.