Huli sa CCTV: 4 na miyembro ng 'ipit gang' tiklo sa Caloocan

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2017 05:38 AM

Arestado ang apat na miyembro ng "ipit gang" matapos mabisto ang kanilang modus ng pagnanakaw sa Caloocan City.

Tila hindi makabasag-pinggan ang mga suspek na kinilalang sina Gerald Andaya, 33 anyos; Efren Chavez, 33; Estela Vargaz, 33; at Marie Santos, 22, nang iharap sila kay Senior Superintendent Chito Bersaluna, hepe ng Caloocan police, at sa mga miyembro ng media.

Huli sa CCTV kung paano nila inipit ang biktima na si Millicent Bula habang namimili siya sa Novo Department Store sa Rizal Avenue Extension, Caloocan.

Nagpapanggap diumano ang mga suspek na mga mamimili at papalibutan ang biktima.

Kinuha ng ibang suspek ang atensyon ni Bula habang isinasagawa naman ni Vargaz ang pagkuha ng cellphone sa bag nito.

Ayon sa biktima, napansin niyang bukas na ang kanyang bag at nawawala na ang kanyang cellphone. Agad naman itong humingi ng tulong sa mga pulis.

Narekober mula sa mga suspek ang cellphone ng biktima na nagkakahalagang P13,000.

Kuwento ng mga suspek, nakatakas ang itinuturo nilang mastermind na kinilalang si alyas "Mae" na ngayon ay pinaghahanap na ng mga pulis. — DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.