Habang may shake drill: trapiko, nagsikip; ilang nakiisa, nag-selfie

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2017 09:34 PM | Updated as of Jul 15 2017 01:36 AM

Mabigat na daloy ng trapiko ang sumalubong sa mga motorista matapos isagawa ang Metro Manila shake drill, lalo pa't kasabay nito ang mga mall sale at ang pasahod ngayong Biyernes.

Mabagal na trapiko sa EDSA at White Plains (North-bound at South-bound) ang sumalubong sa mga response team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nang reresponde na sila sa apat na quadrants para sa shake drill kaninang alas-4 ng hapon. 

Sa Ortigas Flyover naman na papuntang Pasig o East-bound, walang galawan dahil may isinarang kalye doon dahil sa mga shake drill. 

Nakaranas din ng mabagal na daloy ng trapiko ang EDSA-Quezon Avenue na patungong Quezon City Circle dahil may mga isinarang bahagi rin doon. 

Usad pagong naman ang North EDSA dahil naroon ang north quadrant at may mall-wide sale. Umabot ang buntot ng trapiko hanggang sa Quezon Avenue kanina. 

Mabagal pa rin ang daloy ng trapiko sa EDSA-Orense habang papalapit sa EDSA-Guadalupe. 

Itinaon ang shake drill ngayong 'Payday Friday' at oras ng uwian upang maging makatotohanan ito, ayon kay Director Renato Solidum ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Shake drill sa Pasig, late nang isang oras; mga lumahok, nagse-selfie

Mahigit isang oras namang na-delay ang shake drill sa commercial district sa Pasig City dahil isinabay ng lungsod ang kanilang anti-terror attack. Halos selfie naman na ang inatupag ng mga lumahok sa drill. 

Isinara ang kahabaan ng Emerald Avenue mula Julia Vargas hanggang Ortigas Avenue para sa shake drill. 

Sa hudyat, isinadula ng mga rescuer ang eksena kapag nagkasunog sa oras na yumanig ang 7.2 magnitude na lindol. Nakaantabay naman ang mga maglalapat ng first aid para sa mga mabibiktima. 

Prinaktis din kung paano mababantayan ang mga bangko sa lugar para maiwasan ang nakawan at looting. 

Nagsipaglabasan ang mga nasa gusali nang kalmado at nakatakip ang mga ulo, habang may mga rescuer na gumagabay sa kanila para pumunta sa ligtas na lugar.

Gayumpaman, marami ang nag-selfie at nag-record ng drill para i-post sa social media dahil nainip na at dahil tila naging anti-climactic ang drill bunsod naunang isinagawang anti-terror attack drill. 

Paliwanag ni Pasig City Mayor Bobby Eusebio sa pagsasagawa ng anti-terror drill kasabay ng shake drill, "Isinabay na rin namin 'yung anti-terror kasi timely naman."

Sa apat na araw na drill, ngayon ang aktuwal na shake drill. 

Bukas naman ang rescue at recovery operation, habang sa ikatlo at ikaapat na araw ang assessment sa drill para malaman ang mga pagkukulang at mga dapat pang mapabuti. 

-- Ulat nina Doris Bigornia at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.