ALAMIN: Mga kalsadang apektado ng shake drill ngayong Biyernes

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2017 02:58 PM

Nag-abiso ang Metropolitan Manila Development Authority sa pagbigat ng daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng Metro Manila dahil sa pag-arangkada ng apat na araw ng earthquake drill umpisa mamayang alas-4 ng hapon. 

Hudyat ng pagsisimula ng shake drill ang mga sirenang maririnig sa ilang lugar sa Metro Manila, ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago. 

Magiging sentro ng shake drill ang mga business establishment sa Ortigas Avenue, partikular na sa Emerald Avenue. 

Magkakaroon din ng simulation sa Pasig, Quezon City, Villamor Air Base, at Maynila, ayon naman kay Brigadier General Manuel Gonzales, ang namumuno sa ikatlong Metro Manila Shake Drill. 

Posibleng maapektuhan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko ang Commonwealth Ave. sa Quezon City, EDSA, at C-5 sa Ortigas. 

Isasara naman ang bahagi ng Elliptical Road mula Quezon City Hall patawid sa Quezon Memorial Circle bandang alas-4:15 ng hapon para itawid ang mga kunwaring evacuees at upang ipasok sila sa gate na nakaharap sa Commonwealth Avenue, ayon kay Aries Gutierrez, tagapagsalita ng pamahalaang lungsod ng Quezon City. 

Tatagal ng 15 minuto ang pagtawid sa mga kunwaring evacuee at pagkatapos ay muling bubuksan ang naturang bahagi ng Elliptical road sa daloy ng trapiko. 

Nilinaw naman ni Gonzales na hindi na kasama sa simulation ang Guadalupe Bridge sa EDSA sa Makati dahil nagawa na ito noong nakaraang taon. 

Sa drill na ito, magiging makatotohanan ang gagawin dahil walang nakatakdang posisyon na mga ambulansiya, fire trucks, at rescue team. 

"Hindi lang po earthquake drill scenario ang nangyayari dito... Injected other scenarios, let's say, involvement ng terrorism or others, tuloy-tuloy na po ito. Or other calamities, let's say, kung may mga hazardous materials explosion. Kasama po ito sa gagawing scenario ng iba-ibang LGU," ani Gonzales. 

May mga scenario gaya ng gumuhong gusali o mga tulay. 

Wala ring gagawing traffic re-routing para malaman kung gaano kabilis ang response unit ng mga ambulansiya at bombero. 

Magsisilbing evacuation center o command post sa North Quadrant ang parking lot ng Veterans Memorial Medical Center. 

Sa East Quadrant naman, gagamitin ang Marikina Boys Town at Red Cross Compound sa Marikina bilang evacuation center o command post, habang ang Intramuros Golf Course naman sa West Quadrant, at Villamore Air base sa South Quadrant. 

Maliban sa pagbigat ng daloy ng trapiko, asahan na rin ang panandaliang pagkawala ng kuryente at cellphone signal, pati na rin ang pansamantalang pagtigil sa biyahe ng MRT at LRT. 

"Magkakaroon po ng shutdown ng ilang minuto sa kuryente. Magkakaroon din po ng pagputol sa linya ng komunikasyon, saglit lang po ito. Magkakaroon din po ng pagtigil ng biyahe ng MRT at LRT. Pero wala naman pong dapat ikabahala kasi di naman po lalagpas ng more than one minute iyon," ani Pialago.

Sa apat na araw na drill, ngayon ang aktuwal na shake drill. Bukas naman ang rescue at recovery operation, habang sa ikatlo at ikaapat na araw ang assessment sa drill para malaman ang mga pagkukulang at mga dapat pang mapabuti. 


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.