PatrolPH

Ayuda hatid sa daan-daang pamilya sa Malabon, Rizal

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2021 07:57 PM | Updated as of Jul 14 2021 08:14 PM

Watch more on iWantTFC

Bago pa man ang pandemya, paglalabada na ang pinagkakakitaan ni Malet Gonzales, residente ng Barangay Santulan, Malabon.

Biyuda si Gonzales at pansamantalang natigil sa trabaho dahil sa community quarantine.

Pero ngayong nakakapaglaba na siya ulit, hindi pa rin kasya ang kaniyang kinikita para sa pangangailangan ng 5 niyang anak.

"Dati hindi masyadong takot ang mga tao na mag-ano ng palaba. Ngayon, siyempre hindi sila basta-basta magpapasok ng tao," ani Gonzales.

Madalas umano sa isang linggo ay walang nagpapalaba sa kaniya kaya sa mga ayuda na lang niya kinukuha ang kanilang kinakain.

Biyuda rin ang kapitbahay ni Gonzales na si Anita Kanlas, tindera ng lighter at basahan. 

Pero dahil pa rin sa pandemya, patuloy na matumal ang kita ni Kanlas. 

"Minsan nasasapat [ang kita] sa pagkain at pabayad ng tubig," ani Kanlas.

Bukod sa pantustos sa 2 anak at apo, dumagdag pa sa alalahanin ni Kanlas ang pambili ng gamot para sa sakit niyang diyabetes.

Para kina Gonzales, Kanlas at sa 250 pamilya ng Barangay Santulan ang relief packs na dala ng ABS-CBN Foundation.

"Malaking bagay na po sa 'min 'yan," ani Kanlas. 

Nagdala rin ang foundation ng ayuda sa Kasiglahan Village sa Rodriguez, Rizal para sa 150 pamilya na nahihirapan din sa kabuhayan ngayon. 

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.