Umano'y online scammer na gumagamit ng mga pekeng resibo timbog

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 06:37 PM | Updated as of Jul 13 2020 07:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado sa Mandaluyong City ang isa umanong miyembro ng sindikato na nanloloko ng online sellers sa pamamagitan ng paggamit ng mga pekeng resibo bilang proof of payment.

Dinakip ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group ang babaeng suspek matapos niyang tanggapin ang in-order na earphones na nagkakahalagang P11,000.

Ayon sa biktimang si alyas "Madel," unang um-order ng earphones, hair dryer, at humidifier ang isang customer sa website nila noong Hunyo 26, na umabot ng P8,000.

Ipinadala naman sa kanila ng kostumer ang proof of payment ng ginawang online bank transfer.

Kinabukasan, gadget na nagkakahalaga ng P9,000 naman ang in-order ng parehong kostumer.

"Kapag weekend 'yong online banking hindi siya nag-re-reflect agad," kuwento ni "Madel."

"Gusto namin 'yong fast service, same day delivery so dineliver namin agad. Monday that time hindi pa namin ma-confirm 'yong payment, pina-deliver na namin 'yong item," aniya.

Pero reklamo ng kostumer ay na-doble raw ang bayad niya sa online bank transfer kaya nagpa-refund din ito ng binayad, na nagkakahalaga naman ng P5,000.

"Kasi cancelled na-doble daw yung pag-place niya ng order for the earphone so gusto niya ng refund cash so sinendan po namin," ani "Madel."

"Kasi magkasunod na days na siya Saturday, Sunday. So nag-send kami ng refund, Monday," ani "Madel."

Huli na nang malaman nila "Madel" na walang nag-reflect na bayad sa bangko at peke ang ipinadalang resibo ng online payment.

"Nag-send siya ng screenshot of fund transfer pero upon checking through online bank, hindi siya nag-reflect," kuwento ng biktima.

Wala na silang nagawa sa perang nalugi.

Noong Hulyo 11, nakatanggap ulit ng order sila "Madel," na umabot ng P11,000 mula sa isang kostumer na iba naman ang pangalan.

Nagduda na sila "Madel" kaya nagreklamo na sa pulisya.

"Mag-po-provide sila ng pekeng online bank transfer receipt na according sa pekeng resibo na transfer na nila online yung bayad po as payment sa order nila," ani Lt. Marlon Flores ng PNP Anti-Cybercrime Group.

"Dahil nga po weekend, Friday and then hindi ma-validate ng ating mga complainant, napapaniwala po nila 'yong complainant. So after noon, nakakapag-deliver po automatic 'yong complainant," ani Flores.

Pero ayon sa suspek, hindi siya ang mismong um-order kundi ipinangalan lang sa kaniya ng kaniyang manugang.

Ipinayo ng mga awtoridad na maging mabusisi sa mga dokumento lalo't halos lahat ngayon ay online transaction na.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.