Kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sumampa sa higit 57,000

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 03:10 PM | Updated as of Jul 13 2020 07:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Nagtala ng 836 bagong kaso ng COVID-19 ang Pilipinas nitong Lunes, dahilan para sumampa ang bilang ng mga nahawahan nito sa 57,006, batay sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH) nitong hapon.

Kaninang umaga, inulat ng DOH ang 2,124 karagdagang kaso para sana noong Linggo na hindi nailabas sa parehong araw dahil sa "data reconciliation efforts" kasama ang mga local government units.

Sa bilang, 35,036 dito ang active cases o mga pasyenteng may sakit pa. 

Ayon sa DOH, kailangan din nilang pairalin ang labis na pag-iingat sa pagpoproseso ng datos para masigurong tama ang lahat ng kanilang pinaparating sa publiko. 

"Kailangan tignan pa rin natin 'yung completeness ng data. Ang completeness ng data, meron tayong case investigation form, may variables na nawawala diyan. Katulad na lang ng address nila. Hindi namin mata-tag kung saan talaga naka-locate ang isang tao na may kaso kung wala silang address na binibigay sa atin.... Most of these submission maraming detalyeng nawawala so babalik tayo sa mga regional units para makapagtanong sa kanila," ani DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire. 

Samantala, ngayong araw ay naitala ang 4,325 paggaling kaya sumampa na sa 20,371 ang bilang ng mga nakarekober sa COVID-19.

May 65 pasyente naman ang nasawi kaya pumalo na sa 1,599 ang bilang ng mga namatay sa coronavirus.

Nilinaw din ng DOH na hindi naman lubusang pinaiiwasan ang home quarantine sa mga pasyenteng asymptomatic o may mild symptoms, kailangan lang talaga na may kakayahang mag-home quarantine ang pasyente nang hindi maipapasa sa kasama sa bahay ang virus. —Ulat nina Kristine Sabillo at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.