Pagsasalita bawal muna sa loob ng MRT-3 trains

Jacque Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 01:48 PM | Updated as of Jul 13 2020 06:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ipinagbawal ng pamunuan ng MRT-3 ang pagsasalita ng mga pasahero sa loob ng mga tren para maiwasan umano ang pagkalat ng coronavirus disease.

Sa isang tweet, sinabi ng MRT-3 na ipinagbabawal ang pagsagot sa tawag ng cellphone ng mga pasahero pati ang pagsasalita sa loob ng tren.

"Mabuti nang mag-overprepare tayo kasi nga hindi natin alam kung sino ang negative at sino ang positive sa paligid natin," ani MRT-3 Director Mike Capati.

Ngayong Lunes, muling nagpatuloy ang operasyon ng MRT-3 matapos matigil ng halos isang linggo dahil sa pagdami ng mga empleyado ng rail system na nag-positibo sa COVID-19.

Nasa 14 na tren muna ang tumakbo kumpara sa dating 16 hanggang 19.

Bagaman may pangamba ang ilang pasahero, tiniyak ng pamunuan ng MRT-3 na ligtas namang sumakay ng tren, lalo at may ipinatutupad namang mga health and safety protocol.

Kasama rito ang pag-fill up ng mga pasahero ng health declaration form para sa contact tracing, at pagdaan nila sa temperature check at foot bath bago papasukin sa platform ng istasyon.

Lahat naman ng mga tauhan ng MRT-3 ay nakasuot ng personal protective equipment gaya ng suits, face shield, mask at gloves.

Plano umano ng MRT-3 na gumawa ng app o magpatupad ng online ticketing system para hindi na dumaan sa mano-manong pagsasagot ng health declaration form.

Ang MRT-3 ang isa sa pangunahing rail transit system sa Metro Manila, na may biyahe mula Quezon City hanggang Pasay City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.