Mga solid Kapamilya muling nagsagawa ng noise barrage sa labas ng ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 11:05 PM

Muling nagsagawa ng noise barrage nitong Lunes ang mga supporters ng ABS-CBN sa labas ng gusali nito sa Quezon City kasama ang mga Kapamilya stars at news personalities.

Alas-6:30 ng hapon nagsimula ang protesta na dinaluhan ng mga solid Kapamilya at mga empleyado ng network. Alas-8 ng gabi ay natapos na ang isinagawang noise barrage.

Dala ang iba’t ibang gamit tulad ng gong, torotot, bote, at iba pa, nag-ingay ang mga Kapamilya bilang pagbibigay suporta pa rin sa mahigit labing isang libong empleyado ng ABS-CBN na nanganganib na mawalan ng trabaho dahil sa pagbasura ng pitumpung kongresista sa hiling na prangkisa ng Kapamilya network.

Todo suporta rin ang mga motorista sa pagbusina.

Kanya-kanya ring wagayway ang mga supporters ng mga plakard na may mga nakasulat na Ibalik ang ABS-CBN at Defend Press Freedom.

Lumabas din sa kalsada at nakiisa ang ilang Kapamilya stars at news personalities.

Dalangin ng mga lumahok sa noise barrage na marinig ng nga kinauukulan ang kanilang sigaw para sa kabuhayan ng mga apektadong empleyado at pagbabalik sa himpapawid ng ABS-CBN.

Inaasahan na magpapatuloy pa ang noise barrage ng mga solid Kapamilya hanggang sa mga susunod na araw. --Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.