Mga nais makauwi sa Visayas, posibleng maihatid ngayong Hulyo: Galvez

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 11:39 PM

MAYNILA - Ngayong July 25 at 26 ay maghahatid muli ang gobyerno ng mga stranded na mga Pilipino na nasa Metro Manila na nais makauwi sa kani-kanilang mga probinsya.

Ayon kay Sec. Carlito Galvez, chief implementer ng COVID-19 national policy, posibleng mapasama dito ang mga nais umuwi ng Visayas na hindi pinapayagan nitong nakaraan na makauwi.

Matatandaan nagpatupad ng moratorium muna ang gobyerno sa pagpapauwi sa mga stranded na mga Pilipino na patungo sa Western Visayas, Cebu Island, Eastern Visayas at Caraga dahil sa congestion ng kanilang quarantine facilities.

Giit noon ng Malacanang, ang moratorium ay para bigyan ng sapat na oras na mabawasan muna ang nasa pasilidad para maihanda ito sa pagtanggap ng mga isasalang sa quarantine.

“So kinakausap po namin iyong mga mayors at saka iyong mga governors na given the time na more than 15 days na allowable na iyon, puwede na siguro iyong ibang nagkaroon ng moratorium dahil wala na po, natapos na po ang quarantine ng kanilang mga LSI," ani Galvez.

Matatandaang sa pamamagitan ng Hatid Tulong Program ay nagpauwi ang gobyerno ng mga stranded na mga Pilipino sa ilang probinsya sa Luzon at Mindanao nitong July 5 at 6.--Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.