Mga bagong kaso ng COVID-19 sa Negros provinces, umabot sa 15

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 10:11 PM

Nakapagtala ng 12 bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Negros Occidental, habang 3 naman ang bagong kumpirmadong kaso ng sakit sa Negros Oriental.

Base sa COVID-19 Bulletin ng Department of Health - Region 6 na inilabas ngayong Lunes, 7 sa bagong kaso ng COVID-19 sa Negros Occidental ay mga na-stranded sa ibang bahagi ng bansa at ngayon ay nakauwi na sa probinsya at isa naman ay repatriated overseas Filipino worker.

May apat din na taga-Talisay City na hindi OFW at hindi rin stranded individuals.

Isa namang 30 anyos na babae ang bagong kaso ng COVID-19 sa Bacolod City.

Lahat ay nasa quarantine facility na, ayon sa bulletin.

Sa ngayon umabot na sa 196 ang nagpositibo sa COVID-19 sa Negros Occidental at 62 naman sa Bacolod City.

Samantala, isang 16 anyos na lalaking taga-Canlaon City, isang 54 anyos na lalaking taga-Bayawan City at isang 26 anyos na babaeng residente ng bayan ng Mabinay ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Negros Oriental.

Kapwa mga locally stranded individuals ang 3 na mula Metro Manila at umuwi sa lalawigan.

Kasalukuyan ring nasa quarantine facility ang tatlong pasyente.

- Ulat nina Martian Muyco at Mitch Lipa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.