PatrolPH

Maraming jeep di pa rin makabiyahe dahil sa requirements ng LTFRB: grupo

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 04:37 PM

MAYNILA — Wala pang 30 porsyento sa bilang ng mga tradisyunal na jeep ang nakabibiyahe hanggang nitong Lunes kahit pinayagan na silang makapasada sa 49 na ruta sa Metro Manila. 

Sa panayam ng Teleradyo kay Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) president Efren de Luna, sa nakalipas na higit isang linggo ay marami pa ring tsuper ang hindi kayang makasunod sa inilatag na panuntunan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Pinakamahirap pa rin aniya sa kanila ang kusang pag-surrender ng kanilang prangkisa para makabiyahe. 

"Ang masakit dyan ay ang pag-surrender ng aming prangkisa. Wala po talagang gagawa noon dahil pagkaginawa namin iyon ay wala na, di na kami operator kundi isa na lamang kaming tinatawag nating nangangarap na magkaroon pa ng hanapbuhay," ani De Luna.

Ilan pa sa rekisito ng LTFRB ang pagkakaroon ng Personal Passenger Insurance Policy at pagiging “roadworthy” sa Land Transport Office.

Dapat ding makapasa sa smoke emission test at susuriin ang preno, ilaw, seatbelt, at under chassis ng mga sasakyan. 

Kailangan ding maipaskil sa unit ang QR Code na ida-download mula sa website ng LTFRB. 

Nasa 4 buwan natengga ang maraming jeep nang magkaroon ng pandemyang COVID-19, dahilan para mamalimos ang marami sa kanila dahil sa hirap ng buhay. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.